Tagasalin at tour guide sa wikang Indonesia
Pangalan: Liao, Chuan-Yun
Nasyonalidad: Indonesia
Liao, Chuan-Yun ang aking pangalan; ang makakakilala sa akin ay “chuan-yun”(magbabagong-palad), ganyan parati ang pagpapakilala ko sa aking sarili.
Pangatlong henerasyon ako ng overseas Chinese sa Indonesia, ikinasal at namumuhay rito sa Taiwan. Nagsimula akong mag-aral ng wikang Chinese pagkatapos kong manganak. Nakilala ko ang aking asawa sa Indonesia. Nagtatrabaho ako bilang superbisor sa Quality Control at ipinadala siyang magtrabaho sa pinapasukan kong pabrika.
Hindi nagtagal matapos kaming ikinasal at pumarito sa Taiwan, nagkaroon kami ng panganay naming anak at nagsimula ang pagdurusa sa aking buhay. Pagharap sa suliraning pagsasanay sa Taiwan, maging sa panahon man (walang taglamig sa Indonesia), pagkain, pagpapalaki sa anak, relasyon sa biyenang babae at iba pang mga suliranin na isa-isang dumating, at ang hindi pagkakaunawaan sa wika ang pinakamalaking problema.
Ako ang nananagutan sa mga anak. Mag-isa kong dinadala ang bata upang magpaturok sa ospital at laging maaga ang pagpunta sa ospital, gabi na ang pag-uwi sa bahay. Wala pang serbisyo ng tagasalin sa ospital nang panahon noon. Hindi ko maunawaan ang mga papel na dapat punan sa ospital. Kailangan ko ang tulong ng nars ngunit abala rin sa trabaho ang nars at hindi ako matulungan agad. Nang panahon na iyon, nainggit ako sa mga ibang bagong imigrante sa ospital na kasama ang kanilang asawa sa pagpapaturok ng kanilang anak.
2007, nawalan ng trabaho ang aking asawa dahil sa krisis ng ekonomiya at lalong naging mahirap ang aming buhay. Gusto kong maghanap ng trabaho ngunit nahirapan pa akong umunawa ng wikang Chinese at walang mag-aalaga sa mga bata. Dahil nais kong makatulong sa aming kabuhayan nang kahit kaunti, humingi ako ng tulong sa mga taong nasa paligid ko, sa mga kaibigan sa simbahan, upang mabigyan ako ng pagkakataong magtrabaho. At sa panahong iyon, ang ina ng isa kong kaibigan sa simbahan, katatapos magpaopera at walang kasama sa bahay, kaya ginusto niyang dalhin ko ang aking dalawang anak upang may kasama siya at tulungan ko siyang maglinis sa loob ng bahay, kaya nahanap ko ang aking unang trabaho.
Nang maglaon, nakilala ko ang isang social worker at sa ilalim ng kanyang pagtuturo, nakilala ko ang madaming patakarang pangkapakanan ng pamahalaan at ang ‘serbisyong pagbibigay ng pahinga’. 2009, nagsimula ako sa trabahong pagbibigay ng pahinga. Akala kong madali akong aalis sa ganitong trabaho, hindi ko naisip na patuloy kong gagawin itong trabaho hanggang sa kasalukuyan. Pinakamarami ang nag-aapply nitong serbisyo tuwing panahon ng bakasyon. Dinadala ko ang batang alaga ko sa sarili kong bahay, kasamang naglalaro ang mga anak ko at dito ko nakilala ang madaming bata mula sa iba’t ibang uring pamilya. Dahil sa kanilang mga kuwento, mas lalo kong pinahalagahan ang lahat ng bigay sa akin ng Diyos. Dahil sa social worker, nagkaroon ako ng trabaho sa Pearl S. Buck Foundation at naging tagapagsalin sa New Immigrants’ Hall, Health Service Center at National Immigration Agency Service Station sa Lungsod ng Taipei, at naging tagapagsalin din sa Kagawaran ng Pulisya at sa Mataas na Hukuman ng Taiwan.
Naging paraan ko sa pag-aaral ng wikang Chinese ang pagiging boluntaryo. Naging boluntaryo ako nang nag-aaral ang aking mga anak sa kindergarten. Nagkukuwento ang guro sa harapan, natututo ako ng wikang Chinese habang nakikinig sa likuran at pinag-aralan ko rin kung paano tinuturuan ng guro ang mga bata sa klase. Tuwing gabi, kasama ko ang dalawa kong anak sa paaralan upang ituloy ang pag-aaral. Maraming salamat sa gurong tumanggap sa akin at hindi ako tinanggihan sa night school.
Dati akong tumatanggap ng trabahong pagsasalin ng mga dokumento ngunit inayawan ko na nang lumabo ang aking mga mata. Nagturo rin ako ng wikang Indonesia sa paaralan nang 4 na taon ngunit dahil hindi makahanap ng kapalit na guro tuwing may grupong dumadating mula sa Indonesia kaya sa huli, itinigil ko ang pagtuturo. Nagtrabaho rin ako sa opisina ng Research and Development sa Cardinal Tien Junior College of Healthcare and Management. Nag-aaral ang aking mga anak sa kolehiyo ngayon at kailangan ko ng matatag na kita kaya nagtatrabaho ako sa manpower agency, nagbibigay ng serbisyong pahinga at nag-aalaga ng bata tuwing Sabado at Linggo. Minsan, tumatanggap ako ng grupong Indonesian na namamasyal rito sa Taiwan at tumutulong rin ako bilang tagapagsalin sa pulis at sa hukuman.
23 taon na akong naririto sa Taiwan ngayon. Sa pagbabalik-tanaw sa aking mga dinaanan, mahirap ngunit sulit na rin ang mga hirap dahil kasama ko ang aking mga anak at alam nila ang hirap ng kanilang ina sa pagpapalaki sa kanila. Ang pamumuhay sa Taiwan, nabibigyan kami ng pagpapahalaga ng pamahalaan at naaalagaan ang mga bagong imigrante. Basta’t may nais na mag-aral, may nais na lumabas at makihalubilo, matutuklasan mong maraming tao ang may nais na tumulong sa iyo. Magkasamang magsumikap tayong lahat!