Lumaktaw sa pangunahing bloke ng nilalaman

Alaala ng Dragon Boat Festival sa Vietnam Ulat: Bagong imigrante mula Vietnam / Ruan Shi Fang Hua

Sa lalong lumulubhang sitwasyon ng epidemya sa daigdig ngayon, ninanais kong madaling dumating ang Dragon Boat Festival upang mawala ang mga nakakatakot na virus at upang maging ligtas at malusog ang buong mundo! Bakit ko nasasabi ang ganyan? Sa Vietnam, ang Dragon Boat Festival ay tinatawag ding “Pista ng Pagpatay sa mga Insekto”. Sa pagdinig ninyo nitong pangalan, maaaring naunawaan na ninyo kung bakit ikinasasabik ko ang pagdating ng araw na ito.

Madaming lugar sa Asya ang nagdiriwang ng Dragon Boat Festival, tulad ng Taiwan, Tsina, Korea at iba pa. Kasama na rin ang Vietnam na nagdiriwang ng Dragon Boat Festival, ngunit ano ang kaibahan ng kanilang pagdiriwang sa ibang bansa? Una, ipinagdiriwang ng Vietnam ang Dragon Boat Festival sa parehong araw tulad ng Taiwan, sa Mayo 5 ng kalendaryong Tsino, ngunit hindi namin alam kung sino si Tzih Yuen. Ang meat dumplings ay kinakain tuwing Bagong Taon, walang pagtatayo ng itlog at wala ring sumasagwan ng dragon boat. Hindi rin ito araw ng pahinga. Ano ang ginagawa ng mga taga-Vietnam sa Dragon Boat Festival?


Mula maliit, lumaki ako sa hilagang bahagi ng Vietnam. Isang linggo bago mag-Dragon Boat Festival, magsisimulang maghanda ng burong kanin si Nanay. Madami at kumplikado ang mga hakbang sa paghahanda ng burong kanin at madaming mga detalyeng dapat bigyan ng pansin. Una, iluluto ang piling bigas na malagkit at ipapalamig, dadagdagan ng alak at yeast (dapat pag-ingatan ang sukat ng bigas na malagkit at yeast), at ibabalot sa dahon ng saging. Pagkalipas ng 4 o 5 araw, may mabangong maaamoy na sa loob ng bahay. Subalit ipinagbilin na ni Nanay na hindi namin maaaring buksan at masisira ang burong kanin kapag may hangin na pumasok, magiging aksaya lamang ang pinagpaguran ni Nanay. Ngunit hindi ako makatiis na silipin kapag may naaamoy na akong bango, at magmamadaling lumapit kay Nanay: “Nanay, nagtutubig na po!”Titingnan din agad ni Nanay. Tagumpay ang paggawa sa burong kanin at Dragon Boat Festival na kinabukasan.

Sa umaga ng Dragon Boat Festival, maghahanda ng isang malaking kalderong tubig na may mga halamang gamot tulad ng balat ng suha, dahon ng lemon, tanglad, coriander, basil at iba pang mga damo. Gagamitin itong panligo upang mahugasan ang mga mikrobyo at insekto sa katawan sa pagnanais na maging malusog at payapa sa darating na taon! Pagkatapos maligo, hihintayin matapos ang pagdasal sa Diyos at sa mga ninuno bago magkasama ang lahat sa pagkain ng burong kanin. Natatandaan ko ang isang taon dahil sobrang tamis at sobrang bango ng burong kanin, magkakasunod na mangkok ng burong kanin ang kinain ko hanggang dumating si Nanay at nakitang inubos ko ang lahat ng burong kanin. Narinig ko mula kay Nanay na pulang-pula ang aking mukha at sinasabi ko ang:”Patayin ang insekto, patayin ang insekto …”


Palapit na ang mainit na tag-araw, sana maging ligtas at payapa ang lahat ng pamilya. Kapag may pagkakataong makapaglakbay sa Vietnam ang ating mga kaibigan mula sa Taiwan, at natapat ninyo ang Dragon Boat Festival, tandaan na tikman ang burong kanin ngunit huwag kayong tumulad sa akin na kumain ng masyadong madami!


Larawan 1  Burong violet na malagkit


Larawan 1  Burong violet na malagkit


Larawan 2  Pagtitipon sa Dragon Boat Festival


Larawan 2  Pagtitipon sa Dragon Boat Festival