Ako si Zhang Lee Ying mula Myanmar. Karamihan ng tao sa Myanmar ay naniniwala sa Buddhism at binibigyan ng galang ang magulang nang tulad sa buhay na Diyos. Sa mahalagang Araw ng Ama, makikitang lumuluhod ang anak sa harap ng ama at ina bilang pagpapahiwatig ng pasasalamat sa magulang. Nang nakaraan sa bahay sa Myanmar, sa tuwing Araw ng Ama at sa kaarawan ng aking ama, lumuluhod kami, hindi lamang kamay ang ginagamit kundi buong katawan na nakalapat sa sahig, sumasamba at nagpapasalamat sa magulang.
Sa panahon na isa akong mag-aaral, matipid ako at iniipon ko ang pera para pambili ng regalo kay Itay. Nang lumaki ako at naging stewardess na lumilipad sa trabaho at nakakarating sa iba’t ibang lugar, naaalala ko ang aking mga magulang saan man ako nakakarating at tuwing may natitikman akong masarap na pagkain. Dala kong pauwi para kay Itay at Inay ang magkakaibang masasarap na pagkain mula sa iba’t ibang lugar, at tinatandaan ko kung alin ang kanilang mga nagustuhan upang muling makabili kapag naparoon akong muli.
Sa pagsapit ng Araw ng Ama bawat taon, masaya akong nag-iisip ng sorpresang ireregalo kay Itay. Subalit sinasabi ni Itay na huwag gumastos ng pambili ng regalo, inaakala kong dapat bigyan ng halimbawa ang aking mga kapatid bilang panganay sa pamilya. Pinag-iisipan namin ang regalong ihahanda at nagbibigay rin ng pera ang aking mga kapatid. Pinakamalaking kasiyahan ko ang magkakasama kaming magkakapatid sa pagbibigay-galang sa magulang.
Pagdating ng Araw ng mga Ama, pinapaupo namin si Itay at Inay sa sofa. (Subalit Araw ng Ama, hindi rin maaaring kalimutan si Inay!) Luluhod ang mga anak sa harapan ng magulang at magbibigay ng regalo. Isang simple ngunit napakasayang sandali. Bago ako naparito sa Taiwan, ipinagdiriwang namin ito bawat taon sa Myanmar. Ngayon, sa telepono na lamang namin nababati si Itay ng “Maligayang Araw ng Ama” at nagbibigay ng ‘hong-pao’ (pulang envelope). Nais kong umuwi sa Myanmar at makasamang muli si Itay sa Araw ng Ama!