Tagsibol, tag-init, taglagas, taglamig – apat na panahon sa Japan at nagkakaroon ng magkakaibang tanawin sa apat na panahon. Tuwing taglagas, unti-unting lumalamig ang panahon at ang lupain ay napupuno ng mga dahon na may kulay ginto, dilaw, kulay dalandan at pula. Dahil ang Japan ay islang pahaba mula hilaga hanggang timog, nagsisimula ang pamumula ng mga dahon mula sa hilaga, unti-unting pababa sa bahaging timog. Mula sa kalagitnaan ng buwan ng Oktubre hanggang kalagitnaan ng Disyembre, makikita ang mga pulang dahon sa iba’t-ibang lugar sa buong Japan. Ang mga namumulang dahon ay tila ipinintang larawan, katulad na rin ng cherry blossoms tuwing tagsibol, mga kumakatawang tanawin sa apat na seasons ng Japan.
Nababagay ang pagganap ng maraming aktibidad sa ganitong panahon na malamig at presko tuwing taglagas. Ginaganap ang sports day sa mga paaralan. Panahon din ito ng pag-ani sa palay kaya’t tinatawag ang panahon ng taglagas na panahon ng ehersisyo, panahon ng kasaganahan, panahon ng pagbabasa ng aklat at marami pang iba. Sa Japan, may salitang “lasa ng taglagas” at nagpapaalala ng mga pagkain sa taglagas: isdang galunggong, kamote, kastanyas at kalabasa.
Mahilig akong kumain ng mga matatamis. Tuwing pupunta sa supermart at mga tindahan sa panahon ng taglagas, maraming makikitang mga tsitsirya at biskwit na lasang kamote at kastanyas, mga produktong makikita lamang tuwing taglagas, hindi lamang masarap sa panlasa, nakakatuwa ring tingnan ang pambalot, kaya’t hindi namamalayan na nailalagay na sa shopping cart!
Taga-Osaka ako at sa Minoo Falls ang lugar na madalas puntahan upang makita ang magandang tanawin ng mga puno ng maple . Bukod sa magandang likas na tanawin dito, maaaring tikman ang maple tempura rito, specialty ng lugar sa ganitong panahon.
Nasubukan kong itanong sa tindahan: “Araw-araw ba kayong namimitas ng dahon ng maple para iprito?”
Paliwanag ng nagtitinda sa akin, ang ginagamit na dahon ng maple sa tempura ay mula sa sariling tanim na puno ng maple. Ibinuburo sa asin ang napitas na dahon ng maple kaya natitikman ng mga bisita ang maple tempura sa buong taon.
Malamig at presko ang panahon tuwing taglagas. Maaaring mag-enjoy sa tanawin ng namumulang mga dahon, kumain ng napapanahong pagkain, nababagay sa mga aktibidad sa labas ng bahay. Sana’y mapuntahan at makita ng lahat ang tanawin ng mga namumulang dahon at ma-enjoy nang mabuti ang panahon ng taglagas!