Bagong taon ang kahulugan ng “losar” sa wikang Tibet at isa ito sa pinakamahalagang pista sa Tibet. Mula Disyembre 29 ng kalendaryong Tibet, nagsisimula ang 15 araw na pagdiriwang at pagdadasal para sa mga taong taga-Tibet. May 3 uri na maaring maging pagitan ng Araw ng Bagong Taon sa kalendaryong Tibet at Araw ng Bagong Taon sa Lunar kalendaryong gamit ng Tsino: sa parehong araw, may pagitan na isang araw o may pagitan na isang buwan.
Sa gabi ng araw na 29, magsasalu-salo ang lahat ng miyembro ng pamilya at kakain ng “guthuk” (gawa sa arina). May nakabalot sa loob nito at iba-iba ang kahulugan nito, tila nangangahulugan ng haharapin ng isang tao sa loob ng bagong taon, tulad ng balahibo ng kambing na sumasagisag sa kabaitan, salapi na sumasagisag sa pag-uunlad at kayamanan at iba pa. Pagkatapos kumain, lumalabas ang maraming tao upang sumali sa seremonyang “pagpapawaksi sa mga masasamang espiritu,” simbolo ng pagpapalayas sa masamang espiritu at malas. Sa araw ng 30, maglilinis ng bahay, may bagong pinta ang mga dingding, magpapalit ng bagong kurtina at ihahanda ang mga handog na alay.
Sa unang araw ng Bagong Taon, maagang nagigising ang babaeng may-ari ng bahay upang ihanda ang butter tsaa, “tsiang khu” (alak na barley, may halong tsampa, asukal at gatas) at kanin (nagsisimbolo ng suwerte) para sa buong pamilya. Nag-aalay ng insenso at kandila tuwing Bagong Taon upang ipagdasal ang kapayapaan at kaligayahan para sa lahat ng tao. Kukuha rin ng kaunting barley mula sa “chema kahon” at itatapon paitaas sa hangin, magpapalitan ng khata, iinom ng alak na barley, magsisipagbatian ng Losar Tashi Delek. Ang ibig sabihin nito ay Bagong Taon, mapalad, payapa, at maayos ang lahat ng bagay. Ito na rin ang pinakamadalas na salitang pambati sa panahon ng Bagong Taon. Sa pangalawang araw ng Bagong Taon, nagsisidalaw ang mga kamag-anak at kaibigan. Pinapakain ng “chema” ang mga bisita. Pumupunta sa community center ang lahat ng tao upang manood ng tradisyonal sayaw at pagtatanghal ng Tibet. Sa pangatlong araw, pumupunta sa bundok ang mga tao upang ikabit ang mga “prayer flag” (bandilang may iba’t ibang kulay) at nag-aalay ng insensong gawa mula sa mga halamang gamot.
May pinakamagandang alaala para sa akin ang Bagong Taon sa Tibet noong bata pa ako. Sa kasalukuyan, ang Bagong Taon ay nagpapaalala lamang na tumanda na ako ulit ng isang taon at naiisip ko ang mundong walang kasiguraduhan. Ngayon na naririto sa Taiwan at malayo sa sariling bayan, walang paraan na magkaroon ng tradisyonal na pagdiriwang ng Bagong Taon nang tulad sa Tibet, ngunit nakapagtayo ang Taiwan Tibetan Welfare Association ng community cultural center sa Lungsod ng Taoyuan. Ito ang tipunan ng mga taong taga-Tibet na naririto sa Taiwan. Naririto rin ang Sentro ng Wika at Kultura ng Tibet. Bukod sa maipamana ang kultura ng Tibet sa Taiwan, mapapaunlad din ang relasyon ng magkakaibang tribo at lahi. Dapat magpasalamat sa pagtangkilik at suportang ibinibigay ng mga mamamayan at pamahalaan ng Taiwan upang maipagpatuloy ang pag-unlad at pagpapayaman ng Tibetan kultura sa Taiwan.
Pagsasama ng seremonyang katutubo at relihiyon sa pagdadasal tuwing Bagong Taon sa Tibet
Tradisyonal na seremonya ng mga taga-Tibet sa Bagong Taon