Ang Bordeaux, matatagpuan sa bahaging timog-kanluran ng Pransiya, ang pinakamalaking lugar ng pagawaan ng alak ng ubas sa Pransiya, at inilista rin bilang isa sa mga World Heritage Site ng UNESCO. Mula pa sa panahon ng mga Romano, may mga tanim na ubas sa Bordeaux at may talaan sa paggawa ng alak. Ngayon, may produksyon itong 700 milyon boteng alak ng ubas bawat taon. 87% nito ay red wine at may white wine, sparkling wine at iba pa.
Isinasagawa ang Pista ng Alak ng Ubas sa Bordeaux (Bordeaux Fête le Vin) isang beses sa bawat dalawang taon at ipinagdiriwang ito sa buwan ng Hunyo. Bukod sa iba’t ibang uri ng pagtatanghal at aktibidad, maaaring bumili ng “Pass” upang magamit sa pagtikim ng alak na may magkakaibang lasa. Siyempre, hindi mawawala ang malinamnam na lokal na pagkain ng Pransiya tulad ng classical na canelé, goose liver paste, hamon, keso at iba pa, nababagay kainin na may kasamang masarap na alak!
Bukod sa mabusog sa alak at pagkain, huwag kalimutan ang tradisyonal at eleganteng arkitektura sa Bordeaux. Maglakad sa tabi ng River Garonne at tamasahin ang tanawin ng lungsod. Tuwing gabi, maaaring makita ang pagtatanghal ng mga ilaw (projection mapping) at mga paputok (fireworks display) sa tabi ng ilog.